Di ko maipaliwanag para akong biglang ang timewarp, sakay ng babilos ni shaider at napunta sa panahon kung saan ako ay Kinder. Bobo sa kamunduhan, henyo sa mga imahinasyo. Para di na mag-akasaya ng tinta at magkaroon naman kabuluhan ang gingawa kong walang kakwenta kwenta, dali dali kong binuksan Microsoft Word 2007 buti na lang nag upgrade ang company, mula sa 2003 kaso medyo bumagal magbukas, pero ayos na rin at nasimulan ko ang unang mga letra para sa kauna unahan kong blog. Di man ako sigurado kung may magbabasa ang mahalaga nagkaroon ng kabuluhan ang paggawa ko ng wala. Sabi nga ni Roberto Ong isang pseudonym of a Filipino contemporary author known for using conversational Filipino to create humorous and reflective depictions of life as a Filipino ay "Mas mabuting mabigo sa paggawa ng isang bagay kesa magtagumpay sa paggawa ng wala."

Kung ikaw ay isang mag-aaral, propesyonal, may doctoral degree, sigurado akong napakalahaga para sayo ng papel. Lalo na siguro ang mga magbobote kung saan nabebenta ng per kilo ang papel. (naisip ko lang naman, hindi joke yon) Taong 1985 nang maging interesado ako sa buhay ng nanay ko. Lalo na pag ikukuwento nya ang buhay nya bilang isang kabataan. Magkaiba ang buhay na kinagisnan ko sa buhay na inilalahad nya sa kwento.

Pumapasok akong limang piso ang baon nong kinder ako, di pa kasama don ang sampung pisong kupit sa tindahan, kaya lagi haciendero ang dating ko pag oras na ng recess kung uso na nga ang student council sa kindergarten malamang kandidato ako bilang Presidente ng Student Government (TRIVIA: di ko pinasok yan politics baka kasi sabihin magnanakaw ako, ayaw ko nga. O wala lang siguro akong ka appeal appeal sa mga tao.

Kumpleto ako sa school supplies, sa laki ng bag ko pag napasok pwede nang maging mini store ang klase sa tuwing bubuksan ko ang aking bag. Mongol na lapis na number 3 matingkad kasi ito kesa sa number 1, papel (ung mabango pa ang pinapabili ko), pantasa, pambura, color pencil, choco nut, lemon candy, pompoms, tira-tira, pastel color, baunan, pencil box, krayola, transformer na laruan, kwaderno, isang set ng libro at kung ano ano pang mga walang kakwenta kwentang bagay mula sa tindahan naming, syempre kupit naman ang iba don ang kadalasang laman ng bag ko.

Kung makikita mo ang kwaderno ko at bubuksan mo mula sa harapan bawat pahina makikita mo ang mga gawaing pampaaralan, kung bubuksan mo naman mula sa likod, mapupuno siguro ang basurahan nyo sa dami ng tasa ng lapis na ginamit, kasi puno ng mga guhit ng kung ano ano ang likod ng kwaderno ko. Merong pusang walang mata, asong walang buntot, dagang duling, punong puro tangkay, bulok na kulugo, araw na may mukhang nakangiti, paro-paro na kinukulayan ko lagi ng itim at puti, di pa uso noong 101 dalmatian pero gusto ko nang kulay ng paro-paro yun at higit sa lahat ang paborito kong iguhit ay ang bahay namin at hindi nawawala dito ang antenna sa itaas ng bubong ng bahay.

Bakit hindi ko makakalimutan at hindi nawawala sa iginuhit kong bahay ang antenna, paano madalas pagkagaling sa eskwela pinapaakyat na ako ng nanay ko sa taas ng bubong namin paraan pihitin ang direksyon nito at luminaw ang antigo naming telebisyon. Pag nalabo pa nga ang TV iniipitan ko pa ng pang papel sa pihitan para mapanatili ang sa paborito kong istasyon ng TV, lalo na pag batibot na. Salamat sa RPN 9. Bago pa tayo mapunta sa garalgal naming radio balik tayo sa buhay elementarya ng nanay ko. Kung ako ay nagagawa pang mangupit para sa baon, nanay ko ay hindi nya magawa yon dahil wala namang kukupitin. Pumapasok ng walang baon, pati sikmura ay walang laman. May malaking puno ng mangang supsupin sa di kalayuan sa gumegewang gewang nilang kubo.

Bago pa lang sumikat ang araw kailangang makapamulot na sya ng mga bunga ng naturang puno, pupunuin ang dalang plastic bag bago tumungo sa paaralan bitbit ang ibang gamit na nakasilid sa fishnet bago mag ikapito ng umaga. Sa loob ng klase habang nag hihintay sa kanilang guro, iisa isahin ang mga kamag-aral ipagpapalit ang dalang manga sa ilang pirasong papel ng kaklase pag minamalas pa malalagyan pa ng dagta ng manga ang mga papel na ipinagpalit.

Laging ganito ang ginawaga ni nanay, natigil lang to nang hindi na mamunga ang puno ng manga matapos daanan ng malakas na bagyo. Di pa tanyag Rosing pero nagpasikat na ang pinsan nya ng mga panahong iyon. Di ko na alam kung ano ang sumunod na raket ni nanay para magkapapel, di ko na inusisa, pero ang alam ko yung puno naman nila ng bayabas ang pinag diskitahan nya malakas din kasi mamunga yon.

Bata pa ako ng madalas nya ikwento ang mga bagay na ito, kadalasan nakaaasar na ring pakinggan kasi paulit-ulit na. Ngunit ang mga kwentong ito ay magiging inspirasyon rin pala upang magpatuloy sa kabila ng kawalan ng hindi natin namamalayan.

Madalas si nanay mag sulat sa papel na may dagta ng manga gamit ang lapis na may tinaling goma sa kabilang dulo upang magsilbing pambura ngunit di ito naging hadlang upang sumulat ng may kabuluhan. Nalaman ko na ang nilalaman ng papel ang pinakamahalaga, ang papel ang ating buhay, ang lapis ang ating pagkatao at tayo mismo ang susulat kung anong script ang nais nating maisapelikula. Paano ko pasasalamatan si inay, kung ngayon ko lang natutunan ang aral ng buhay nya.