"WHAAAAT'S UP, MGA KA-TROPAPIPS! WELCOME BACK TO MY CHAAANNEEEEEL!"
Napapikit ako. Ramdam ko ang pag-vibrate ng litid ko sa leeg. Nanggagaling ang boses na 'yon sa kabilang kwarto, sa likod ng manipis na plywood na naghihiwalay sa sala at sa kwarto ng nag-iisa kong anak na si Jayson.
"Kung bago ka lang sa channel ko, don't forget to hit that subscribe button at i-click ang notification bell para updated kayo sa mga kalokohan natin today! For today's video..."
Huminga ako nang malalim. Sinubukan kong higupin ang mainit kong 3-in-1 na kape, pero nawala na ang tamis nito. Napalitan na ng pait.
Kung akala mo tapos na ang kalbaryo ko sa pag-intro niya, dyan ka nagkakamali. Kasi pagkatapos ng litanya niya, susundan 'yan ng tugtog na parang na-stuck na washing machine, sabay kalabog ng sahig dahil alam kong nagsisimula na siyang gumiling, tumalon, at magkikembot na parang inuuod na binuhusan ng mainit na tubig. Sumasayaw na naman siya sa TikTok.
Ako nga pala si Reynaldo, o Mang Rey sa mga ka-opisina ko sa munisipyo. Dalawampu't limang taon na akong clerk sa Assessor's Office. Ang buhay ko ay nakatali sa mga papel, stampita, logbook, at pag-asa na balang araw, aasenso rin ang pamilya ko. Paano? Sa pamamagitan ng edukasyon. Noong pinanganak si Jayson, bumili ako ng kumpletong set ng Collier's Encyclopedia na hinulugan ko ng tatlong taon. Ganoon ako kaseryoso sa pangarap ko para sa kanya. Gusto ko siyang maging Certified Public Accountant. Gusto kong makita siyang nakasuot ng barong, may sariling lamesa sa isang airconditioned na building sa Makati, at may nameplate na gawa sa makapal na salamin. 'Yung tipong pag naglakad siya, amoy tagumpay.
Pero heto tayo ngayon. Ang anak kong nasa ikatlong taon na sana ng Accountancy ay kasalukuyang nakasuot ng oversized na t-shirt, may kwintas na mukhang kadena ng aso, at kumikita ng pera sa pagpapa-cute sa harap ng cellphone.
Isang "Content Creator." Isang "Influencer."
"Susan," tawag ko sa asawa ko na abala sa paghahalo ng sinangag sa kusina. "Ano ba 'yang anak mo? Baka mabakbak na 'yang linoleum sa kwarto niya kakatalon. Alas-otso pa lang ng umaga, parang may fiesta na sa loob."
Nagpunas ng kamay si Susan sa apron niya at ngumiti nang nakakainis. "Hayaan mo na, Rey. Nagsho-shoot daw siya ng 'sponsored content'. May nagpadala sa kanya ng limang kahon ng sabon na pampaputi. Babayaran daw siya pag ginawan niya ng video."
"Babayaran? Para magsayaw habang may hawak na sabon?" Napabuntong-hininga ako. "Noong panahon ko, para kumita ka, kailangan mong magbuhat ng semento, o mag-type ng isandaang pahina ng dokumento hanggang manigas ang mga daliri mo. Ngayon, gigiling ka lang habang may hawak na papaya soap, may pera na? Kalokohan."
"Eh sa ganyan umiikot ang mundo ngayon eh," katwiran ng asawa ko habang nilalapag ang platito ng daing. "Atsaka, Rey, 'yung pambayad natin sa internet nitong nakaraang tatlong buwan, galing sa kinita niya sa... ano nga ba tawag dun? 'Yellow basket'?"
Hindi ako nakasagot. Pinapak ko na lang ang bangus kahit mainit pa. Tanggap ko naman na nagbabago ang panahon. Hindi na uso ang pager, wala na ang diskette, at bihira na ang nagbabasa ng dyaryo. Pero ang hirap kasing isipin na 'yung pawis at dugo na inilaan ko para mapag-aral siya, mauuwi lang sa pag-sigaw ng "Smash that like button!" Wala sa encyclopedia ang pinaggagawa niya.
Kinahapunan, lumabas ako para bumili ng yelo sa kanto. Nakita ko ang mga kumpare kong sina Berting at Tomas na nakapwesto na sa harap ng sari-sari store, may nakalatag na isang bote ng gin at platito ng chicharon na parang inabot na ng tag-ulan sa kunat.
"Uy, Pareng Rey! Tagay muna!" tawag ni Tomas na tsuper ng jeep.
Umupo ako sa bakanteng bangkito. "Sige, isa lang. Kailangan kong lumanghap ng hangin na walang halong ring light."
Nagtaka si Berting. "Ring light? Ano 'yun, Pare? Bagong kanta ng Aegis?"
"Hindi. 'Yun 'yung bumbilya na hugis bilog na ginagamit ng anak kong si Jayson pampaputi ng mukha sa camera. Nakasisilaw. Para kang sinusundo ng mga anghel tuwing bubuksan."
Nagtawanan ang dalawa. "Ah! 'Yung pagbi-vlog!" sabi ni Tomas, biglang naging eksperto. "Sikat 'yang anak mo, Pareng Rey! Nakita ko 'yan sa telepono ng anak kong si Nene. Sumasayaw ng 'Ting Ting Tang Ting'. Ang galing nga eh, parang walang buto!"
Pakiramdam ko ay biglang umurong ang bituka ko. Imbes na marinig ko na "Ang galing ng anak mo, naka-perfect sa exam sa accounting," ang naririnig ko ay papuri sa kawalan niya ng buto.
"Nakakahiya, mga pare," pag-amin ko, sabay lagok ng gin na biglang pumakla sa lalamunan ko. "Pinag-aral ko 'yung bata para maging propesyonal. Ngayon, ginagawang katatawanan ang sarili sa internet. Ano ba mapapala niya dyan? Pagdating ng araw, ilalagay ba niya sa resume niya na marunong siyang mag-twerk?"
Tinapik ni Berting ang balikat ko. "Pare, iba na ngayon. 'Yung pamangkin ko nga sa probinsya, kumikita ng dolyar sa paglalaro lang ng computer. Dati pag nag-computer ka, batok ang aabutin mo sa nanay mo. Ngayon, pag hindi ka nag-computer, baka magutom pamilya mo."
"Kahit na," matigas kong sagot. "Iba pa rin ang may lisensya. Iba pa rin ang may kasiguraduhan. Paano pag nawala yang internet na yan? Paano pag nag-iba ang ihip ng hangin? Eh di nganga siya? Ang trabaho, dapat pinapawisan. Dapat may pinapasukan kang opisina. Doon nasusukat ang dignidad ng isang lalaki."
Nagkatinginan si Tomas at Berting, tapos ay nagkibit-balikat na lang. Alam nilang pag nag-umpisa na akong mag-sermon na parang tatay noong 1980s, walang mananalo sa akin.
Ang rurok ng aming tensyon ay nangyari noong sumunod na Martes. Galing ako sa munisipyo, pagod, basa ang kili-kili dahil nasira ang aircon sa opisina, at dala-dala ang bigat ng mga papeles na kailangan kong tapusin kinabukasan.
Pagbukas ko ng pinto, naabutan ko si Jayson sa sala. Nakalatag ang sandamakmak na kahon. May mga damit, sapatos, at kung anu-anong inuming may kulay neon. Nakatutok na naman sa kanya ang lintek na ring light na mas maliwanag pa sa kinabukasan ko, at nagsasalita siya sa harap ng nakatungkod na cellphone.
"So guys, super thankful ako sa Krypto-Juice Energy para sa padalang ito! Grabe 'yung energy boost niya, perfect for gaming and editing!"
Napatigil siya nang makita ako. "Uh, guys, cut ko muna. Nandito na si Erpat."
Pinatay niya ang camera. Ako naman, nakatayo lang sa may pintuan, nakatingin sa nagkalat na mga kahon sa paborito kong upuan.
"Ano 'to, Jayson?" mahinahon pero mabigat kong tanong.
"Ah, Pa... PR packages po. Pinadala ng mga sponsors. Gagawa po ako ng unboxing video tapos ipo-post ko bukas."
"Nakakalat sa sala. Saan ako uupo?"
Nagmamadali siyang inusog ang mga kahon. "Sorry, Pa. Sa kwarto kasi madilim, mas maganda lighting dito sa sala ngayon."
Nilapag ko ang luma kong leather na bag sa mesa. "Kamusta ang eskwela mo? Yung thesis mo sa Accounting, kailan ang defense?"
Biglang natahimik si Jayson. Napakabigat ng katahimikan, parang may dumaang anghel na may dalang masamang balita. Tiningnan niya ako, tapos tumingin sa sahig.
"Pa... may sasabihin po sana ako sa inyo."
Lumabas si Susan galing sa kusina, nagpupunas ng kamay, may bakas ng kaba sa mukha. Alam na yata niya ang mangyayari. "Rey, magbihis ka muna, pahinga ka muna."
"Hindi. Ano 'yun, Jayson?" Matalim ang tingin ko sa kanya.
Huminga siya nang malalim, inayos ang suot niyang malaking salamin na wala namang grado. "Pa... balak ko po sanang mag-leave of absence sa school. Kahit isang taon lang."
Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Tapos sinundan ng kumukulong mantika. "Ano? Mag-li-leave? Bakit? May bagsak ka ba? Nabuntis ka ba? Nakabuntis ka?"
"Hindi, Pa! Grabe naman. Hindi po ganun." Kinamot niya ang batok niya. "Kasi po... lumalaki na 'yung channel ko. Umabot na po ako ng 500,000 followers sa TikTok at 200,000 sa YouTube. May mga brands na po na gustong pumirma ng exclusive contract sa akin. Ang laki po ng offer, Pa. Hindi ko po kakayanin kung isasabay ko ang thesis."
Umakyat ang dugo ko sa ulo. "Pambihira, Jayson! Ipinagpalit mo ang diploma sa paggiling sa harap ng telepono?! Isang taon na lang, gagraduate ka na! Tapos hihinto ka para uminom ng neon na juice na 'yan habang nagsasalita mag-isa sa camera?!"
"Pa, hindi lang 'to paggiling! Trabaho po ito!" tumaas na rin ang boses niya, isang bihirang pangyayari. "Kumikita po ako dito. 'Yung binabayad sa akin ng isang brand, katumbas na ng tatlong buwan ninyong sweldo sa munisipyo!"
Natigilan ako. Para akong sinampal ng nag-aapoy na tsinelas sa mukha. Alam kong hindi niya sinadyang maliitin ang trabaho ko, pero tumama sa ego ko. Tumama sa pride ko bilang haligi ng tahanan na kumakayod ng barya para maitaguyod sila.
"Aba, nagbibilang ka na ngayon?" nanggigigil kong sagot, ang daliri ko ay nakaduro sa kanya. "Baka nakakalimutan mo, bago ka naging sikat sa internet mong 'yan, ako ang nagpakain sa'yo? Trabahong marangal ang bumuhay sa'yo, hindi 'yung mga likes at views na 'yan na bula lang at pwede mawala bukas!"
"Rey, tama na 'yan," awat ni Susan, nakahawak sa braso ko.
"Hindi, Ma, hayaan mo siya," sagot ni Jayson, nangingilid ang luha. "Pa, bakit ba ang hirap sa inyo na mag-adjust? Hindi na po tayo nasa 1990s! Opo, marangal ang trabaho niyo, at proud ako doon. Pero hindi ibig sabihin na dahil hindi ako nakasuot ng barong at wala ako sa opisina, hindi na marangal ang ginagawa ko! Bakit ba ang panukat niyo ng tagumpay eh yung pangarap niyo lang para sa akin, at hindi yung pangarap ko para sa sarili ko?"
Sa galit ko, nahampas ko ang maliit na lamesita. Paghampas ko, tumabingi ang nakatayong ring light niya, natumba, at bumagsak sa sahig.
CRAAAACK.
Basag ang bumbilya. Namatay ang ilaw. Sa biglaang pagdilim ng sala, naiwan kaming tatlo sa nakabibinging katahimikan.
Tiningnan ni Jayson ang basag niyang ring light, tapos tumingin sa akin. Walang sinabi. Pinulot niya ang mga piraso ng ilaw, binuhat ang mga kahon niya, at tahimik na pumasok sa kwarto niya. Sumunod si Susan, umiiyak.
Naiwan akong nakatayo sa sala, kasama ang lumang leather bag ko, at ang konsensya kong unti-unting bumubulong na baka, sumobra ako.
Lumipas ang tatlong araw na parang mga estranghero kami sa iisang bahay. Hindi ako kinikibo ni Jayson. Lalabas lang siya para kumain, tapos babalik agad sa kwarto. Wala na akong naririnig na "Welcome back sa my channel." Walang tugtog. Walang kembot. Tahimik na tahimik ang bahay.
At nalaman kong mas nakakabingi pala ang katahimikan kaysa sa ingay niya.
Biyernes ng gabi, o mas tamang sabihing Sabado ng madaling araw. Alas tres y media. Bumangon ako para umihi at uminom ng tubig. Pagdaan ko sa pasilyo, napansin kong nakasiwang nang kaunti ang pinto ng kwarto ni Jayson. May malamig na asul na ilaw na nagmumula sa screen ng computer niya.
Dahan-dahan akong lumapit at sumilip.
Nakita ko si Jayson. Nakatalikod siya sa pinto, nakasuot ng malaking headphones. Hindi siya sumasayaw. Hindi siya nagpapa-cute. Nakatutok siya sa monitor na puno ng maliliit na linya, mga kulay, at mga graph. Editing software. Sunod-sunod ang pag-click ng mouse niya, ang pag-type sa keyboard.
Sa gilid ng lamesa niya, may tasa ng kape na mukhang malamig na, at isang notebook na puno ng sulat-kamay—mga script, mga ideya, mga listahan ng dapat gawin, mga schedule ng posting.
Pinagmasdan ko ang anak ko. Gusot-gusot ang t-shirt niya, nakakuba ang likod, at paminsan-minsan ay naghihikab at kinukuskos ang mga matang may malalaking eyebags.
Pamilyar sa akin ang itsurang 'yan. Ganyan ang itsura ko noong kailangan kong mag-uwi ng trabaho mula sa munisipyo dahil may deadline sa tax mapping. Ganyan ang itsura ng isang taong nagtatrabaho.
Bigla akong tinamaan ng hiya. Noong sinabi kong "paggiling lang sa harap ng telepono" ang ginagawa niya, nakita ko lang pala ang output. Hindi ko nakita ang proseso. Hindi ko nakita 'yung pagpaplano, 'yung puyat sa pag-e-edit, 'yung stress sa pag-iisip kung anong susunod na gagawin para lang manatiling may kwenta sa mata ng libo-libong taong nanonood sa kanya.
Iba ang pawis niya, oo. Walang semento, walang alikabok, walang mabigat na binubuhat. Pero nandoon ang pagod. Nandoon ang pangarap.
Kinabukasan, Sabado ng umaga. Wala pa ring ingay. Nakita ko si Jayson sa kusina, nagtitimpla ng kape. Mukha siyang zombie.
Lumapit ako sa kanya. Tumikhim ako. "Magkano ba 'yung basag na ilaw na bilog?"
Napatingin siya sa akin, gulat. "Po?"
"Yung ring light. Magkano ba 'yun? Babayaran ko."
Umiling siya, medyo alanganin. "H-hindi na po, Pa. Bumili na po ako ng bago online. Darating na po mamaya."
Kumuha ako ng pandesal at umupo sa hapag. "Jayson... nag-isip ako kagabi. Nakita kitang nag-e-edit. Madaling araw na, gising ka pa."
Yumuko siya. "Kailangan po eh. May deadline sa sponsor."
Huminga ako nang malalim. Kailangan kong lunukin ang pride ko. Para sa isang tatay na lumaki sa panahon kung saan ang tatay ang laging tama, ang hirap bumigkas ng mga salitang ito.
"Anak... pasensya ka na."
Napatunghay siya, lumaki ang mga mata.
"Pasensya ka na kung hindi ko naiintindihan ang mundo mo," pagpapatuloy ko, nakatingin lang sa kape ko. "Lumaki kasi ako sa paniniwalang may iisang daan lang para umasenso. Mag-aral, grumaduate, pumasok sa opisina. 'Yun lang ang alam ko. 'Yun ang pinaghirapan ko para sa'yo. Kaya nung nakita kong iba ang ginagawa mo, natakot ako. Natakot ako na baka masayang ang buhay mo."
Tiningnan ko siya sa mga mata. "Pero nakita ko ang pagod mo. Nakita kong seryoso ka rito. Hindi man ito ang pangarap ko para sa'yo... pangarap mo 'to. At bilang tatay mo, ang trabaho ko yata ay hindi ang pilitin kang sundin ang gusto ko, kundi suportahan ka sa kung saan ka magiging masaya at magiging mabuting tao."
Namula ang mga mata ni Jayson. Kinagat niya ang labi niya para hindi umiyak, pero may tumulong luha. Lumapit siya at yinakap ako. Isang mahigpit na yakap na huli ko atang naramdaman noong high school pa siya.
"Sorry din, Pa," bulong niya. "Hindi ko po intensyong bastusin kayo o balewalain ang mga sakripisyo niyo. Pangako, Pa, hindi ko pababayaan ang pag-aaral ko. I-di-delay ko lang ng isang taon. Pero tatapusin ko 'yung Accountancy. Para sa inyo. Para may back-up din ako 'pag hindi na ako sikat."
Napangiti ako at tinapik ang likod niya. "Siguraduhin mo lang, ha? Dahil ipapalo ko talaga sa'yo 'yung encyclopedia natin."
Nagtawanan kami. Nawala ang bigat ng hangin sa kusina.
Isang buwan matapos ang insidenteng iyon, naglalakad ako pauwi galing munisipyo. Nadaanan ko ulit sina Kumpareng Berting at Tomas sa kanto.
"Uy, Pareng Rey!" sigaw ni Tomas. "Napanood ko 'yung vlog ng anak mo kagabi ah!"
Napatigil ako. "Alin doon? 'Yung umiinom siya ng kulay green na juice?"
"Hindi! 'Yung vlog niya tungkol sa pamilya! 'Yung tinanong niya kung sino ang idol niya!" Sabi ni Berting habang tumatawa. "Tingnan mo 'to oh!"
Nilapit ni Berting ang cellphone niya sa mukha ko. Sa screen, nandun si Jayson. Nagsasalita siya sa camera, seryoso ang mukha, walang sound effects, walang kembot.
"Guys, madalas niyo kong makitang masaya, nagpapatawa. Pero gusto ko lang i-shoutout 'yung pinaka-matinding influencer sa buhay ko. Hindi siya sikat sa internet. Wala siyang followers. Clerk siya sa munisipyo. Pero siya 'yung nagturo sa akin ng totoong meaning ng hard work. Kung paano ako mag-grind ngayon sa content creation, nakuha ko 'yun sa tatay ko na araw-araw pumapasok para itaguyod kami. I love you, Pa. Sana proud ka sa akin."
Pagkatapos, lumabas sa video 'yung isang stolen shot ko habang umiinom ng kape sa sala, nakasimangot habang nanonood ng balita. Nilagyan pa ng Jayson ng malaking text na: "MY HERO (KAHIT LAGING GALIT)."
Napalunok ako. May kung anong mainit na namuo sa lalamunan ko.
"Aba, Pareng Rey, umiiyak ka ba?" tukso ni Tomas.
"Ulol," sagot ko, mabilis na nagpunas ng mata gamit ang panyo ko. "Napuwing lang ako sa alikabok ng jeep mo. Sige na, uwi na ako."
Habang naglalakad palayo, nakangiti ako. Siguro nga, nag-iba na ang mundo. Siguro hindi na kailangan ng barong at nameplate para masabing matagumpay ka. Minsan, kailangan lang pala, may isang taong naniniwala sa ginagawa mo.
Pagdating ko sa tapat ng bahay, narinig ko na naman 'yung pamilyar na boses.
"WHAAAAATS UP MGA KA-TROPAPIPS! WELCOME BACK SA CHANNEL NATIN!"
Pumasok ako ng pinto. Nakita ko si Jayson sa sala, sumasayaw, hawak ang panibagong produkto, maliwanag na maliwanag ang bagong ring light.
Napailing na lang ako at naglakad papunta sa kwarto ko. Maiingay na bata. Pero ayos lang. Siguro bukas, itatanong ko sa kanya kung paano ba gumawa ng account diyan sa TikTok. Baka sakaling sumikat din 'yung ginagawa kong sinangag na may tuyo. Baka lang naman.